Huwebes, Nobyembre 08 2012

NOBYEMBRE 12 BILANG "ARAW NG VALENZUELA"



ARAW NG VALENZUELA 2012
Kasaysayan, Kasarinlan, Kaunlaran

Sa bisa ng Ordinansa Blg. 55, Serye ng 2012 na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod noong Setyembre 10, 2012, opisyal nang kinikilala ang Nobyembre 12, 1623 bilang “Araw ng Valenzuela” – ang petsa kung kailan naitatag ang Polo (dating pangalan ng Valenzuela) bilang isang nagsasariling bayan, sang-ayon sa rekomendasyon ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).



Tradisyon noong panahon ng mga Kastila na isabay ang pagtatatag ng isang bayan sa araw ng kapistahan ng patron nito, kung kaya’t mahihinuha na ang ang petsa kung kailan pormal na naitatag ang bayan ng Polo ay ika-12 ng Nobyembre, araw ng kapistahan ni San Diego de Alcala. Sang-ayon naman sa mga batis-historikal, tulad ng “Estado Geográfico, Topográfico, Estadístico, Histórico-Religioso..” ni Padre Felix de Huerta, sinasabing ang  Polo ay naging isang bayan nang mahiwalay ito sa Meycauayan noong 1623.

Noong July 21, 1960, nahati ang bayan ng Polo sa dalawa: ang munisipalidad ng Valenzuela at munisipalidad ng Polo, batay sa Executive Order No. 401 ni Pangulong Carlos P. Garcia.

  

Hindi nagtagal ang pagkakahiwalay ng dalawang bayan. Dumalaw si Pangulong Diosdado Macapagal sa Valenzuela upang alamin ang damdamin ng mga mamamayan ukol dito at noong  Setyembre 11, 1963, nilagdaan niya sa Davao ang Executive Order No. 46 na muling nagsasama sa dalawang bayan, na makikilala hindi na bilang Polo, kundi bilang Valenzuela.


Mula sa pagiging isang sinaunang pamayanan sa tabi ng ilog, unti-unting lumawak at umunlad ang bayan ng Valenzuela sa agos ng kasaysayan, na sa ngayon ay kinikilala sa bansa bilang isang modelong lungsod sa mahusay na pamamahala at serbisyo publiko .

Kaya ngayong ika-12 ng Nobyembre, ating ipagdiriwang ang “Araw ng Valenzuela” bilang paggunita sa Kasaysayan, Kasarinlan at Kaunlaran ng ating minamahal at ipinagmamalaking bayan.


Paano naging "Nobyembre 12" ang "Araw ng Valenzuela"?

1. July 11 (1869) - Birth Anniversary ni Dr. Pio Valenzuela. 
Dahil kay Dr. Pio Valenzuela ipinangalan ang bayang ito, ang petsa ng kaarawan ng bayani ang siya na ring kinilalang petsa para sa "Foundation day" ng bayan. Bilang isang "holiday", sabay na ginigunita ang "birth anniversary" ng bayani at  "foundation day" ng bayan na hindi pa nila alam noon kung kailan maaring ipagdiwang.


2. February 14 (1998)
"Charter Day. (Araw ng Lungsod ng Valenzuela).  Noong April 10, 2007, nilagdaan ni Pangulong Gloria Arroyo ang Republic Act No. 9428 na may pamagat na AN ACT DECLARING FEBRUARY 14 OF EVERY YEAR A SPECIAL WORKING  HOLIDAY IN THE  CITY  OF VALENZUELA TO  BE  KNOWN  AS  "ARAW  NG LUNGSOD NG VALENZUELA"  na nagsasabing "February 14 of every year is hereby declared a special working hoIiday in the entire City of Valenzuela to commemorate its conversion into a highly urbanized city and to be known as "Araw ng Lungsod ng Valenzuela".

3. September 11(1963)
Noong July 2, 2008, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang Ordinansa Blg. 15, Serye ng 2008 na may pamagat na "AN ORDINANCE DECLARING SEPTEMBER ELEVEN (11) AND YEARS THEREAFTER AS VALENZUELA FOUNDATION DAY". Ginugunita nito ang petsang Setyembre 11, 1963 nang lagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Executive Order No. 46 na pinagsasamang muli ang nagkahiwalay na Polo at Valenzuela, bilang Munisipalidad ng Valenzuela. (Tingnan ang paliwanag sa itaas). Nagkaroon ng samu't saring reaksiyon dito ang mga tao, hindi matanggap na ang Valenzuela ay nalikha lamang noong 1963, kung kaya't nagpasa ng bagong ordinansa ang Sangguniang Panlungsod  na nag-aamyenda sa ordinansang ito. Naniniwala ang marami na mahalagang petsa rin ito sa kasaysayan ng Valenzuela, at maaring kilalanin bilang "Unification Day" ng Valenzuela at Polo.


4. November 7 (1621)
Noong Setyembre 27, 2010  ay ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang Ordinance No. 3, Series of 2010 na may pamagat na "AN ORDINANCE DECLARING NOVEMBER SEVEN (7) ANG YEARS THEREAFTER AS VALENZUELA FOUNDATION DAY. Inaamyendahan nito ang naunang ordinansa na nagdedeklara sa Setyembre 11 bilang Valenzuela Foundation Day.  Ang petsang November 7, 1621 ay batay sa mga naunang pananaliksik sa kasaysayan ng Valenzuela. Ito raw ang petsa kung kailan unang lumitaw sa parochial records ng Polo ang  "pirma" ng kauna-unahang parish priest ng Polo na si Padre Juan de Tarancon. Dahil sa kawalan ng dokumento na magpapatunay sa detalyeng ito, hindi pinagtibay ng National Historical Commission of the Philippines ang pagkilala sa petsang ito bilang "Foundation Day" ng Valenzuela. Dagdag pa ang interpretasyon na ang paglitaw ng unang pirma sa parochial records ay hindi tuwirang nangangahulugan ng pormal na pagtatatag ng bayan. Kaya muling naglabas ng bagong ordinansa ang Sangguniang Panlungsod upang amyendahan ang ordinansang ito.

5. November 12 (1623)
Nitong Setyembre 10, 2012 ay ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang Ordinance No. 55 na may pamagat na "AN ORDINANCE DECLARING NOVEMBER TWELVE (12) AND THE YEARS  THEREAFTER AS VALENZUELA FOUNDATION DAY, THEREBY AMENDING ORDINANCE NO. 03, SERIES OF 2010 FOR THE PURPOSE." Ang petsang Nobyembre 12, 1623 ay sang-ayon sa rekomendasyon ng National Historical Commission of the Philippines na sa kawalan ng dokumentong nagsasabi ng eksaktong petsa ng pagtatatag ng isang bayan, maaaring kilalanin ang petsa ng kapistahan ng patron ng bayan at ang taon kung kailan ito naitatag. Ang pagbatay sa petsa ng kapistahan ng patron ay batay sa tradisyon noong panahon ng mga Kastila na isinasabay ang pagtatatag ng bayan sa pagdiriwang na kapistahan ng patron nito. (Tingnan ang paliwanag sa itaas)

Kaugnay nito, ang Malakanyang ay naglabas ng presidential proclamation na nagdedeklara sa  petsang Nobyembre 12, 2012 bilang "Araw ng Valenzuela"  at isang Special Non-Working Holiday sa Lungsod ng Valenzuela.

Sa wakas, naayos na rin ang petsa ng "Foundation Day" ng ating minamahal at ipinagmamalaking bayan, at iyan ay: Nobyembre 12, 1623.


PAANYAYA: TALAKAYAN AT EKSIBIT SA KASAYSAYAN NG VALENZUELA


POLO NOON, VALENZUELA NGAYON
Paggunita sa Nakaraan, Pagtanaw sa Kinabukasan
Huwebes, Nobyembre 15, 2012
1:30 ng hapon, Museo Valenzuela, Marulas, Valenzuela City.
*Mayroon ding inihandang munting eksibit ukol sa kasaysayan ng Valenzuela na bubuksan bago ang mag-umpisa ang talakayan.


HINGGIL SA PETSA NG KAPISTAHAN NI SAN DIEGO
Maaaring nagkamali si Jose Rizal sa isang detalye ng KAPISTAHAN NI SAN DIEGO kung saan sa ika-26 na kapitulo ng Noli Me Tangere na pinamagatang "Ang 'Vispera' ng 'Fiesta.'"" ay mababasa sa unang linya ng kapitulo na "Tayo'y na sa icasampô ng̃ Noviembre, vispera (araw na sinusundan) ng̃ fiesta (pagsasayá)." (salin ni Pascual H. Poblete)

Kung ika-sampu ng Nobyembre ang bisperas, nangangahulugan iyon na sa ika-labing isa ang araw ng kapistahan na alam naman nating MALI sapagka't ang Kapistahan ni San Diego de Alcala ay itinalaga ni Papa Sixto V noong 1588 sa ika-13 ng Nobyembre (sapagka't ang Nob. 12 ay kasalukuyan pang inookupahan ni Papa San Martin I). Gayunpaman, pinanatili ng mga Pransiskano na ipagdiwang ito sa ika-12 ng Nobyembre na araw ng kanyang kamatayan.

Noon lamang 1969 pormal na nailipat ang Araw ng Kapistahan ni San Diego sa ika-12 ng Nobyembre matapos ilipat ang kapistahan ni Papa San Martin I sa ika-13 ng Abril na araw ng kanyang kapanganakan. (Calendarium Romanum, 1969) - Michael King Urieta

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento